Wednesday, June 20, 2012

Tula #4

And this one's written over fastfood and fries at KFC Cubao.
*Just in case you're wondering, I don't drink. :) But do I get drunk? Well, I don't know about that.

Isang tagay pa.
Heto ang aking baso, punuin mo
Ng malalamig at matatapang na salitang
Gumuguhit sa lalamunan, sikmura,
sagad hanggang kaluluwa.
Tara, samahan mo ako.
Lalagok tayo ng panitikan ng lasing.
Sariwa. Puro.
Katas ng sugatan at pagod nang puso.

Itumba mo ang dakot ng luha, bilis.
At tapos ay ako naman.
Mababaw pa ang gabi at ilang bote pa ng hapdi
Ang ating babasagin.
Kaunti pa at ang spirito ng makata ay magigising na.
Makakarami rin tayo ng tula.

Ilabas mo lang.
Idighay mo ang poot.
Gagaan din, luluwag din ang pakiramdam.
Sinong magsasabing kasalanan ang maglango,
Kung ang panulat lamang ang ating tanging lunas
Sa nananakit na gunita?
Hindi naman tayo maramot.
Ni hindi nga natin iwinawagayway ang matapang
na espadang, kung nanaisin natin, ay maaaring
makasugat ng karibal,
makapanakot ng minamahal, o di kaya'y
maging walang silbing sandata sa pakikipaglaban
para sa isang bagay na hinding hindi na babalik.

Oo na, oo na.
Panitikan na nga ng lasing.
Kahibangan, sabi nila.
Hindi maintindihan, sabi nila.
Apir.
Iyan din naman ang sabi namin.
Kami ma'y mga estranghero rin sa sarili naming titik
sa sandaling magsuka na ang puso
at magtae na ang tinta.
Mahiwaga man ang ibig sabihin, sino bang hahatol?
Para sa isang lasinggerong sawi,
ang bawat patak ng damdamin sa papel ay
isang malakas na hiyaw,
isang suntok sa pader,
isang araw ng pagluha,
isang hampas ng kalayaan.

Itagay mo.
Lunurin ang lumbay sa mga lunok ng tugmaan.
Bukas, paggising mo, wasak pa rin ang bilanggo mong puso.
Ngunit ngayong gabi,
Sa pakpak ng walang takot mong balagtasan,
ay malaya tayo.





No comments:

Post a Comment