Namahinga ang tinig at tiklada
Matapos mag-ensayo,
Numakaw ako ng sandali.
"Uy, pakinggan mo ito o,"
wika ko, bulalas ng
gapatak-dagat na tapang, bigla na lamang sumulpot.
(Saan nanggaling inyon? Ah, basta.
Paminsan-minsan lamang umambon ang lakas ng loob.
Mabuti pang salukin.
Kung hindi ko pa sunggaban ay baka hindi ko
na ito masabi kahit kailan.)
Humilig ka at itinuon ang iyong tainga sa awiting pinatugtog ko.
Malakas ba? Dinig mo ba?
Batid mo kaya ang mga titik sa kantang
inihandog ko sayo nang wala kang kamalay-malay?
Pinihit kong bahagya nang lumakas,
Umaasang malunod ng ingay ang pagkabog ng dibdib.
"Ang ganda, ano?"
Sulsol ko sa iyo, nanginginig pa ang aking tinig.
Nakinig ka,
Nilaro din ang tiklada upang sabayan.
Napaisip ako.
Ano kaya kung...
Ano kaya kung
ngayon,
sa gitna ng nakabibinging hiyaw ng lihim,
habang marahan mong pinapaawit ang itim at puting daliri ng iyong piano.
Ay sabihin ko na sa iyong
Ikaw.
Ang ngalang tinatangi ko
sa tuwing may musika.
Ikaw ang bulong na bumabagabag, pumupula, humahaplos sa gunita.
Ikaw ang hinahanap ng ako--hindi man kailanman
magiging ako at ikaw--ay ikaw parin.
Ano kaya?
Ang awitin, sasabayan mo kaya?
Ano kaya?
Nang biglang
Natapos ang kanta.
At walang narinig sa tikom kong bibig.
Walang narinig liban sa mga notang nagkubli ng lihim
sa isang kantang hindi mo naman maaalala.
Tara.
Nag-aya ka nang umuwi.
Lumalalim na ang dilim.
Said na rin ang gapatak-dagat na tapang.
Tara na't magligpit
ng mga instrumento
at nagkalat na damdamin.
No comments:
Post a Comment