And this one's written while I'm on an FX to SM Sta. Mesa.
Oh well. Let's just say the distinct FX scent makes one high enough to write a poem.
Dalhin mo ako sa Sta. Mesa,
Mayroon akong pupuntahan,
Hindi naman iyon malayo,
Bahagyang malapit lang din naman sa amin,
Maraming mga bahay,
Progresibo rin naman.
May mga opisina nga.
Doon nga ang opisina ko.
Dalhin mo ako sa Sta. Mesa
Ngayon na, at baka ako ay mahuli.
Na naman.
Malupit ang trapik sa umaga.
Dali.
Naghihintay ang aking mesa at santambak na gawain.
Paspasan mo ang byahe!
Iapak mo ng maigi ang pedal,
At mukhang mauungusan ka pa ng aking pusong
Nagkukumahog kumawala sa aking dibdib,
Palabas,
Palipad,
Lalagpas sa mga ilaw trapikong may sanlibo't isang hadlang,
Para lamang makarating na kung saan naroon
Ang isang mesa, santambak na gawain,
At ang isang ngiting sumusikat sabay ng pagbati,
"Good morning!"
Haay, office mate.
Para kang nagmula sa ibang kaharian, dala ang
Salamangkang nakakapagpa-slowmo
Ng mundo tuwing ikaw ay aking makikita.
Di bale nang sa dami ng trabaho sa buong maghapon ay hindi
Mo na ako magawang kibuin.
Di bale nang sa mga nakaw kong paglingon
Ay pawang batok mo lamang ang aking natatanaw.
Di bale nang mabunggo mo ako sa iyong paghangos,
Masagot mo lamang ang tawag ng iyong sinisinta.
Di bale na.
Ikaw naman ang lihim na hari ng palasyo kong mesa,
ang musa ng aking santambak na gawain.
Ang pangarap na bitbit ko sa araw-araw kong pagbyahe.
Sa kalye
Na pudpod ng limot nang pag-asa
At di matapos tapos na mga bawal at batas trapiko.
Kalyeng paminsan-minsan ay naliligaw din naman
Sa mga eskinita ng iyong ngiti,
May kilig na hatid,
Hanggang mag-uwian ng alas-sais.
Dalhin mo ako sa Sta. Mesa,
Sa aking kaharian!
Madali ka!
Ako, ang reyna,
Ay handa na sa aking pagbati!
No comments:
Post a Comment