Wednesday, June 20, 2012

Tula #2

Oh gosh, the words keep flowing! Even when I'm on a jeepney.

Ang gagawin ko ngayon ay tititigan kita.
Hihinga, kukurap, pagmamasdan ka lamang.
Panonoorin ko ang mga mata mo, at noo
Na marahang kukunot sa pagkapa ng dahilan
Kung bakit--wala lang--tumititig ako.
"O bakit mo ako tinititigan?"
Pabiro mong ganti.


Hindi ko naman gustong tumitig.
Mangyari'y marami pa akong mas nais na gawin, 
Tulad ng ang lumapit sa iyo,
Hawakan ang iyong kamay,
Hagkan ka,
At sambitin ang mga katagang hindi abot
Ng balarila ng payak na pagtitig.
Gusto kong hamunin ang puso mong
Tapunan ng pansin, o di kaya'y titig din,
Ang pagkaway ng damdamin kong humahangos.
Nais kong kumalas sa pagtitig sa iyo,
At pumikit,
Mangagarap na sa muli kong pagmulat ay
Ay pag-ibig mo na ang aking masisilayan.


Ikaw, ano kaya ang nakikita mo?
Tanaw mo kaya ang isang kaluluwang masugid mong tagasubaybay?
O ang naaaninag mo lamang ay isang
Kaibigan,
Masarap kasama,
Kabiruan,
Handang makuntento sa mga tawanan,
Kantyawan...


At paminsan-minsang pagtitig?
Alin man sa dalawa, ako pa rin naman iyon.


Inulit mo ang pabiro mong ganti,
"Oy, bakit nga?"
Napahalakhak ang diwa ko
Mapagbiro nga naman.




"Wala lang, bawal bang tumitig?"





No comments:

Post a Comment