I never liked giving my heart the mic. I'd rather give her the pen or the guitar and let her hide the feelings in the sway of rhymes. But on some occasions, it gets the nudge. And the words spilleth over.
Such occasion was last night, when I finally voiced out my feelings in 20 words or less. Was I proud about it? Well, I don't really know. But this much I can say: It's an amazing feeling. Not that there's freedom in sounding off the truth, although there exists. The amazing feeling pretty much comes from the respite of finally letting the other person know how much he is loved and treasured, even if inside the heart of a friend. And though no reply may come, it's enough.
*For reference, "tutuldok at isang ngiti" looks like this --> :)
Ilang oras nang nakalilipas mula nang
Pinagbigyan ko ang puso ko na maki-text.
"O sya, sya," sagot ko sa mapilit.
"Heto na ang telepono at umamin ka na.
Bago pa magbago ang aking isip.
Madali, at huwag sayangin ang load ko."
Lumundag ang puso ko't hinagkan ang mga pindutan.
Noon pa niya ninanais na pakawalan ang mga piling salita--
mga salitang hindi naman ganoon karami ang titik, ngunit
saklaw ang lihim kong aklat,
hagip ang damdaming noon pa itinatago.
Itong puso ko kasi, tahimik lamang at walang imik.
Sa kanya'y sapat na ang paminsan-minsa'y titingin,
aawit, tatanawin ang iyong mukha.
At ewan ko ba,
Heto ngayon namimilit
mangumpisal.
Ayoko nga sanang payagan,
Kung ako ang tatanungin.
Para ano pa?
Maibubulalas nya ang sanlibo't sanlaksang wikain
ng pagsinta ngunit lilingunin mo ba?
Noon pa ma'y nakapako na ang pag-ibig mo sa iba,
Gantimpalaan mo man ng pansin
ay baka basahin mo lamang ang mensahe,
ikatuwa, tapunan ng tutuldok at isang ngiti
kung ikaw ay magpapasalamat.
At kung ganoon nga ang mangyari,
Ano ang sasabihin ko sa aking puso?
Kung madudurog sya'y paano ko bubuuin?
Matutulungan mo kaya akong pulutin
Ang mga pira-pirasong ugat na minsan ma'y
paulit-ulit paring sisigaw ng ngalan mo?
May lamat na ang aking puso
mula sa makailang beses na...
Basta. Tama na. Huwag na lang, wika ko.
Ngunit hetong si mapilit.
Sa pagtangi sa'yo ay di alintana ang lalim
ng ikabububog, sakaling muling mahulog
at mabasag.
Aanhin ang pusong buo, wika nya,
kung ito nama'y patay at tikom?
Ako ang napatikom.
Hindi ko maintindihan.
Paanong ang pag-asa,
hungkag ma'y
patuloy parin,
Masawi man ay lalaban?
At lalaban parin hanggang sa huli--
Hanggang sa huling titik na pinindot nya
sa aking telepono.
Hanggang doon na lamang.
Ilang oras nang nakalilipas mula nang
Pinagbigyan ko ang puso ko na maki-text.
Wala pa ring narinig mula sa iyo.
Ngunit sino bang naghihintay ng sagot,
gayong wala din namang nagtanong?
Nalaman mong minamahal ka.
Nalaman mo na, sa wakas.
Sapat na iyon. Sapat na.