Wednesday, June 20, 2012

Tula #4

And this one's written over fastfood and fries at KFC Cubao.
*Just in case you're wondering, I don't drink. :) But do I get drunk? Well, I don't know about that.

Isang tagay pa.
Heto ang aking baso, punuin mo
Ng malalamig at matatapang na salitang
Gumuguhit sa lalamunan, sikmura,
sagad hanggang kaluluwa.
Tara, samahan mo ako.
Lalagok tayo ng panitikan ng lasing.
Sariwa. Puro.
Katas ng sugatan at pagod nang puso.

Itumba mo ang dakot ng luha, bilis.
At tapos ay ako naman.
Mababaw pa ang gabi at ilang bote pa ng hapdi
Ang ating babasagin.
Kaunti pa at ang spirito ng makata ay magigising na.
Makakarami rin tayo ng tula.

Ilabas mo lang.
Idighay mo ang poot.
Gagaan din, luluwag din ang pakiramdam.
Sinong magsasabing kasalanan ang maglango,
Kung ang panulat lamang ang ating tanging lunas
Sa nananakit na gunita?
Hindi naman tayo maramot.
Ni hindi nga natin iwinawagayway ang matapang
na espadang, kung nanaisin natin, ay maaaring
makasugat ng karibal,
makapanakot ng minamahal, o di kaya'y
maging walang silbing sandata sa pakikipaglaban
para sa isang bagay na hinding hindi na babalik.

Oo na, oo na.
Panitikan na nga ng lasing.
Kahibangan, sabi nila.
Hindi maintindihan, sabi nila.
Apir.
Iyan din naman ang sabi namin.
Kami ma'y mga estranghero rin sa sarili naming titik
sa sandaling magsuka na ang puso
at magtae na ang tinta.
Mahiwaga man ang ibig sabihin, sino bang hahatol?
Para sa isang lasinggerong sawi,
ang bawat patak ng damdamin sa papel ay
isang malakas na hiyaw,
isang suntok sa pader,
isang araw ng pagluha,
isang hampas ng kalayaan.

Itagay mo.
Lunurin ang lumbay sa mga lunok ng tugmaan.
Bukas, paggising mo, wasak pa rin ang bilanggo mong puso.
Ngunit ngayong gabi,
Sa pakpak ng walang takot mong balagtasan,
ay malaya tayo.





Tula #3

And this one's written while I'm on an FX to SM Sta. Mesa.
Oh well. Let's just say the distinct FX scent makes one high enough to write a poem.

Dalhin mo ako sa Sta. Mesa,
Mayroon akong pupuntahan,
Hindi naman iyon malayo,
Bahagyang malapit lang din naman sa amin,
Maraming mga bahay,
Progresibo rin naman.
May mga opisina nga.
Doon nga ang opisina ko.


Dalhin mo ako sa Sta. Mesa
Ngayon na, at baka ako ay mahuli.
Na naman.
Malupit ang trapik sa umaga.
Dali.
Naghihintay ang aking mesa at santambak na gawain.


Paspasan mo ang byahe!
Iapak mo ng maigi ang pedal,
At mukhang mauungusan ka pa ng aking pusong
Nagkukumahog kumawala sa aking dibdib,
Palabas,
Palipad,
Lalagpas sa mga ilaw trapikong may sanlibo't isang hadlang,
Para lamang makarating na kung saan naroon
Ang isang mesa, santambak na gawain,
At ang isang ngiting sumusikat sabay ng pagbati,
"Good morning!"


Haay, office mate.
Para kang nagmula sa ibang kaharian, dala ang
Salamangkang nakakapagpa-slowmo
Ng mundo tuwing ikaw ay aking makikita.
Di bale nang sa dami ng trabaho sa buong maghapon ay hindi
Mo na ako magawang kibuin.
Di bale nang sa mga nakaw kong paglingon
Ay pawang batok mo lamang ang aking natatanaw.
Di bale nang mabunggo mo ako sa iyong paghangos,
Masagot mo lamang ang tawag ng iyong sinisinta.


Di bale na.
Ikaw naman ang lihim na hari ng palasyo kong mesa,
ang musa ng aking santambak na gawain.
Ang pangarap na bitbit ko sa araw-araw kong pagbyahe.
Sa kalye
Na pudpod ng limot nang pag-asa
At di matapos tapos na mga bawal at batas trapiko.
Kalyeng paminsan-minsan ay naliligaw din naman
Sa mga eskinita ng iyong ngiti,
May kilig na hatid,
Hanggang mag-uwian ng alas-sais. 


Dalhin mo ako sa Sta. Mesa,
Sa aking kaharian!
Madali ka!
Ako, ang reyna,
Ay handa na sa aking pagbati!



Tula #2

Oh gosh, the words keep flowing! Even when I'm on a jeepney.

Ang gagawin ko ngayon ay tititigan kita.
Hihinga, kukurap, pagmamasdan ka lamang.
Panonoorin ko ang mga mata mo, at noo
Na marahang kukunot sa pagkapa ng dahilan
Kung bakit--wala lang--tumititig ako.
"O bakit mo ako tinititigan?"
Pabiro mong ganti.


Hindi ko naman gustong tumitig.
Mangyari'y marami pa akong mas nais na gawin, 
Tulad ng ang lumapit sa iyo,
Hawakan ang iyong kamay,
Hagkan ka,
At sambitin ang mga katagang hindi abot
Ng balarila ng payak na pagtitig.
Gusto kong hamunin ang puso mong
Tapunan ng pansin, o di kaya'y titig din,
Ang pagkaway ng damdamin kong humahangos.
Nais kong kumalas sa pagtitig sa iyo,
At pumikit,
Mangagarap na sa muli kong pagmulat ay
Ay pag-ibig mo na ang aking masisilayan.


Ikaw, ano kaya ang nakikita mo?
Tanaw mo kaya ang isang kaluluwang masugid mong tagasubaybay?
O ang naaaninag mo lamang ay isang
Kaibigan,
Masarap kasama,
Kabiruan,
Handang makuntento sa mga tawanan,
Kantyawan...


At paminsan-minsang pagtitig?
Alin man sa dalawa, ako pa rin naman iyon.


Inulit mo ang pabiro mong ganti,
"Oy, bakit nga?"
Napahalakhak ang diwa ko
Mapagbiro nga naman.




"Wala lang, bawal bang tumitig?"





Tula #1

So I said I never wanted to write poetry and literature stuff.
But I guess when words are there (and there are times), you just have to pen them.

I'm sharing with you the first poem I've written in a long time.
*Any similarity to actual persons, places, or instances are purely coincidence. or not.

Gitara,
Naaalala mo?
Di naman gaanong nakakalipas,
Dalawa kami na kasama mong humahabi ng himig.
Ako at sya.
Sya at ako.
Ako at sya at ikaw,
Sinasalubong natin ang paglubog ng araw,
ng malalamig na tinig at saliw ng mga kwerdas.


Naaalala mo?
At ako, paano ko naman malilimot,
Kung sa paglubog ng araw ay ang takdang pagkabuhay
Ng aking damdamin sa buong maghapon.


Sa kanya ang awitin,
Sa kanya ang mga indak ng aking nota,
Sa kanya ang pag-ibig sa aking titig tuwing
Hinahaplos ka ng aming awitan.


Hindi mo alam 'yon, tama ba?
Hindi nya alam 'yon.
At hindi nya mababatid sapagkat
Ang pinakamainam nyang awit
Ay hindi naman para sa akin o sa iyo,
Ngunit mananatili lamang pangarap sa aking balintataw,
Balot ng mapusyaw na kulay ng
Walang hanggang dapithapon.


Nakapili na sya.
Naaalala mo?
Paano ko malilimot.
Paano.